Isang Pagpapakilala kay Pastor Eduardo M. Lapiz

Eduardo M. Lapiz

Head Pastor

​www.facebook.com/edlapiz

Apatnapung taon na ang nakalipas mula ng itinalaga ni Pastor Ed Lapiz ng kanyang buhay sa paglilingkod sa kapatirang Kristiano. Mula sa pagiging manggagawa ng Youth for Christ noong 1979, ang kanyang espiritwal na paglalakbay ay nagluwal ng napakaraming puno na hitik sa bunga.

 

Show More

Siya ay isang pastor, manunulat, mananaliksik, alagad ng sining, guro, tagapagsalita, brodkaster, manlalakbay at alagad ng kultura ng bayan.

Nagtapos siya ng kursong  Batsilyer sa Philippine Arts at  Masterado at Doktorado sa Philippine Studies  pawang sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ang pamagat ng kanyang undergraduate thesis ay SA GULUGOD NG KALABAW: Mga Tula ng Bulakan 1928-1992;  Ang masteral thesis ay TUDBULUL Epiko ng T’boli;  at ang doctoral dissertation naman ay  BAYBAYIN: Makabayang Hibik sa Sinaunang Titik.

Itinatag at pinangungunahan niya ang kapatirang Day By Day Christian Ministries sa Pilipinas at sa iba’t-ibang dako ng mundo mula noong 1985.

Nagpunyagi siyang pairalin ang cultural redemption o  pagbawi ng kultura ng bayan mula sa mga mapanirang gawa ng Kristianismo at muling  paggamit ng mga katutubong wika, musika, sayaw at ritwal sa pagsambang Kristiano.

Sa pamamagitan ng kanyang pangunguna sa larangang ito, maraming kapatirang Ebangheliko ang namulat na at nagsimulang gumamit ng mga katutubong wika, sayaw, awit at tugtog sa pagsamba.

Di kaya nama’y tumigil na ang marami sa panlalait sa katutubong wika at  kultura,  at sa pagpaparatang na ito ay pinamumugaran ng masasamang espiritu.

Bilang manunulat, siya ang may-akda ng mahigit nang 100 aklat na saklaw ang iba’t-ibang paksa tulad ng dekolonisasyon ng kultura ng Kristianismo tulad ng Paano Maging Pilipinong Kristiano, 1997; Pagbabalik-loob, 2003 at Pagpapahiyang: Redeeming Culture and Indigenizing Christianity, 2010; ugnayan ng simbahan at pamahalaan:  Pagbabagong-Loob, 2005;  pagsusulat ng bagong Pasyon batay sa Biblia: Pasyong Kristiano, 2002; mga gabay sa pag-aaral ng Biblia at sari-saring debosyonal na tumatalakay sa makabago at maka-Pilipinong lapit sa Biblia.

Ang panulat nya sa pinaghalong Pilipino at Ingles ang bumasag sa mala-pader na eksklusibong paggamit ng wikang Ingles lamang sa mga lathalaing Kristiano-Ebangheliko.

Bilang mananaliksik, pinag-aralan at ini-rekord niya ang mahigit 200 katutubong musika, sayaw at ritwal mula sa mahigit 50 pangkat etniko sa Pilipinas.

Noong 1995, nagsadya siya sa Timog Kotabato upang saliksikin ang epikong Tud Bulul ng mga Tiboli.

Ini-rekord, isinulat at isinalin sa Tagalog ang mahigit sa 30 oras na awit mula sa tatlong chanter-informants.

Ito ang una at hanggang sa kasalukuyan ay kaisa-isang pagsasalin ng epikong Pipino sa wikang Pilipino mula sa orihinal na katutubong wika. (Lahat ng nauna at ibang saliksik ay tuwirang isinalin ng banyagang researchers sa kani-kanilang wika.)

  Bukod sa Tud Bulul, tinipon din niya ang iba pang maraming mga katutubong awit at panitikan.

Tinipon niya ang mga tulang Tagalog mula sa Bulakan na pinagkalooban ng publishing grant ng National Commission for Culture and the Arts  at nalathala sa pamagat na Sa Gulugod ng Kalabaw. Mga Tula ng Bulakan 1928-1997.

Itinatag ni Dr. Ed Lapiz ang KALOOB: Philippine Music and Dance Ministry noong 1994.

Ang Kaloob ay isang pangkat ng mga mananayaw, manunugtog at mang-aawit na nakatalaga sa pananaliksik, preserbasyon, pangangalaga, pagtataguyod at pagtatanghal ng mga katutubong musika, sayaw, at ritwal ng Pilipinas.

Noong 1998, hinirang ng National Centennial Commisision ang KALOOB bilang resident dance company ng Expo Pilipino sa Clark, Pampanga, ang sentro ng pambansang pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.

Matapos yon, sa maraming pagkakataon naman ay isinusugo ng Republika ng Pilipinas ang KALOOB bilang kinatawan ng bansa sa maraming mahahalagang pandaigdigang festival ng mga katutubong sayaw.

Sa larangan ng katutubong musika, nagprodyus si Pastor Ed Lapiz ng dalawang musical albums upang ipakilala at isulong ang tunog-Pilipino sa Christian liturgy—ang Pagsamba Sa Saliw ng Katutubong Tugtog at Pagsamba Sa Saliw ng Rondalla.

Bilang tagapagsalita at brodkaster, tampok ang kanyang mga lectures sa maraming mga seminar, symposia, retreats, komperensiya sa iba’t-ibang larangan sa Pilipinas at sa ibayong dagat.

  Mayroon siyang mahigit na tatlong libong audio at video recorded messages at mahigit na 200 broadcast hours buwan-buwan bilang host ng iba’t-ibang programa sa radio na napapakinggan sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas at ng buong daigdig, labas pa ang nasa internet gaya ng Youtube, Facebook atbp.

Nilakbay na nya bilang ambassador of goodwill, tagapagsalita, panauhing pandangal, observer at mananaliksik sa mga usaping pangkultura ang mahigit na sa 40 mga bansa.

Itinatag niya noong 1998 ang Gayyum di Payo (Kaibigan ng Palayan), isang samahang naglalayong tulungan ang mga Ifugao na pangalagaan at paunlarin ang Ifugao Rice Terraces.

Naging masinop din si Dr. Ed Lapiz sa pangangalaga at pagpapaunlad ng heritage architecture, kabilang ang pananaliksik sa Rizal Shrine sa Calamba na iginiit ni Dr. Lapiz na dapat ay may hagdan sa likuran, pababa mula sa azotea.  Palibhasa’y ang Rizal House na nakatayo ngayon sa lugar ay complete reconstruction na ginawa noong 1952 lamang.

 Umuwi ang kanyang pamumuna at pagmumungkahi sa paglalagay ng hagdanan sa likod ng bahay.  Noong 1998, ang malaong “nawawalang” hagdan ay ginawa at ibinalik ng pamahalaan.

 Noong 2006, pinarangalan si Dr. Lapiz bilang outstanding alumnus ng  UP Rural High School ng  Gawad Pagkilala sa Natatanging Kagalingan sa Sining.

Sa taon ding yon, iginawad din sa kanya ng  Unibersidad ng Pilipinas Maynila ang  UPMAA Oblation Awards  Pillar of Excellence in Culture and the Arts.